Sample identifiers and metadata to support data management and reuse in multidisciplinary ecosystem sciences
Mga nilalaman
May-akda | Francisco Balagtas |
---|---|
Bansa | Pilipinas |
Wika | Tagalog |
Dyanra | Tula, Kathang-isip |
Ang Florante at Laura ni Francisco Baltasar (na kilala din bilang Balagtas) ay isang obra-maestra sa panitikang Pilipino. Daglat lamang ang katawagang Florante at Laura sapagkat binigyan ito ng aktuwal at buong pamagat na:
Pinagdaanang búhay ni Florante at ni Laura sa kahariáng Albanya: Kinuhà sa madláng cuadro histórico o pinturang nagsasabi sa mg̃á nangyari nang unang panahón sa imperyo ng̃ Gresya, at tinulâ ng̃ isáng matuwaín sa bersong Tagálog.
Isa itong mahabang tulang itinuturing na pinakamahalaga sa lahat ng mga korido[1] (corridos[2]) sa Pilipinas noong ika-19 dantaon, ayon kay Fray Toribio Minguella, isang paring Rekolekto[3] at pilologo[4][5]
Kasaysayan
Ayon kay Epifanio de los Santos, isang mananalaysay, nalimbag ang unang edisyon ng “Florante at Laura” noong 1838. 50 taong gulang na si Francisco Baltasar ng panahong iyon. Noong 1906, nalimbag naman ang “Kung Sino ang Kumatha ng ‘Florante’” ni dalubhasang sa Tagalog na si Hermenegildo Cruz, sa tulong ni Victor Baltasar, anak ni Francisco Baltasar, at ng iba pang kasapi sa mag-anak ng huli.[5]
Unang Paglimbag
Maraming lumabas na mga edisyon ng Florante at Laura na nasa wikang Tagalog at Ingles, subalit natupok ang mga ito noong 1945, nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sapagkat kabilang nga ito sa mga korido noong ika-19 dantaon, nalimbag lamang ang mga kopya ng akda ni Baltasar sa mga mumurahing klase ng papel (papel de arroz ayon kay Epifanio de los Santos) na yari sa palay na ipinagbibili tuwing may misa at mga kapistahan sa halagang 10 centavo bawat isa. Natatanging ang Aklatang Newberry ng Chicago, Estados Unidos lamang ang nakapagtabi ng mga kopya nalimbag noong 1870 at 1875, kabilang sa tinatawag na Koleksiyong Ayer. Nabanggit ang mga kopyang ito sa Biblioteca Filipina ni T. H. Pardo de Tavera. Magkatulad na magkatulad ang kopyang pang-1870 at ang gawa noong 1875.[5]
Nalilimbag ang pamagat ng bersiyong pang-1870 sa ganitong paraan ng pagbabaybay:[5]
Paglalarawan
Pangunahing tagpuan ng Florante at Laura ang madilim na gubat ng Quezonaria, at ang nagsasalaysay ay mismong si Florante, habang nakikinig naman ang muslim na si Aladdin. Batay ang pagsasalaysay ng tauhan ng kuwentong si Florante mula sa sariling karanasan at kasawian ni Francisco Baltasar, sapagkat nakulong ang huli dahil sa bintang ni Mariano Kapule (kaagaw ni Selya) at kawalan ng katarungan - si Maria Asuncion Rivera o MAR - ay napakasal kay Mariano Kapule o Nano Kapule, na isang karibal sa pag-ibig. Isinulat ni Baltasar ang Florante habang nasa piitan.
Buod
Nagsimula ang kuwentong patula sa isang madilim na kagubatan. Nakatali si Florante, isang taga-kaharian ng Albanya, sa isang puno ng Higera, habang namimighati sa pagkawala ng kaniyang amang si Duke Briseo. Halos ikabaliw niya ang pagkakaisip na mapasakamay ng kaaway niyang si Konde Adolfo ang kaniyang minamahal na si Laura. Anak si Konde Adolfo ni Konde Sileno.
Narinig ng isang moro, na naglalakbay noon sa kagubatan, ang mga pagtangis ni Florante. Aladin ang pangalan ng moro, na naantig ng mga pananalita ni Florante. Dalawang mga gutom na liyon ang biglang umatake kay Florante subalit naligtas ni Aladin ang binata. Nawalan ng malay tao si Florante. Nagpasya si Aladin na pangalagaan si Florante hanggang sa manumbalik ang lakas nito.
Nang lubusang gumaling si Florante, nagulat siya noong una nang mapagmasdan ang morong si Aladin. Hindi siya makapaniwalang ang isang kalaban ng mga Kristiyano ang kaniyang naging tagapagligtas sa tiyak na kamatayan. Matapos ang ilang mga pagpapaliwanag, naging lubos ang pasasalamat ni Florante kay Aladin, at dito siya nagsimulang magsalaysay hinggil sa kaniyang buhay. Bilang anak ng isang prinsesa at ng isang tagapag-payong maharlika, lumaking masiyahin at puno ng pagmamahal at kalinga si Florante. Sapagkat mahilig ngang maglaro noong may anim na gulang pa lamang, muntik na siyang mapaslang ng isang buwitreng nagtangkang dumagit sa batong hiyas na nasa dibdib ni Florante. Sa kabutihang palad, nasagip siya ng pinsang si Menalipo, isang mamamana mula sa Epiro.
Sa edad na 11, ipinadala si Florante ng kaniyang mga magulang - na sina Duke Briseo at Prinsesa Floresca – sa Atenas, Gresya upang mag-aral sa ilalim ng kilalang guro na si Antenor. Sa Atenas niya natagpuan si Adolfo, na nagmula rin sa bayan ni Florante. Si Adolfo ang pinakamatalinong mag-aaral sa paaralan nang mga panahong iyon, subalit makaraan lamang ang anim na taon, nalampasan na ni Florante ang mga kakayahan, kagalingan at katalinuhan ni Adolfo. Nagtamo ng katanyagan at pagkilala si Florante, na lubhang hindi ikinatuwa ni Adolfo.
Habang gumaganap sa isang dulang pampaaralan, pinagtangkaang patayin ni Adolfo si Florante. Sa kabutihang palad, madaliang nakapamagitan si Menandro, ang kaibigan ni Florante. Dahil sa pagkaunsiyami ng balak, umuwi si Adolfo sa Albanya. Pagkalipas ng isang taon, nakatanggap si Florante ng isang liham mula sa ama na naglalahad ng balitang pumanaw na ang kaniyang inang si Prinsesa Floresca. Bagaman namimighati, naghintay ng dalawang buwan bago nakabalik si Florante sa Albanya. Sumama si Menandro kay Florante. Sa pagsapit nila sa Albanya, isang kinatawan ng kaharian ng Krotona ang humiling ng pagtulong mula kay Florante hinggil sa nalalapit na digmaan laban sa mga Persa (Persian). Wala kakayahang tumanggi si Florante sapagkat lolo niya ang hari ng Krotona.
Sa kaniyang paglalagi sa Albanya, naimbitahan si Florante sa palasyo ng hari, kung saan nabighani siya sa pagkakakita kay Laura, ang anak na babae ni Haring Linseo, ang hari ng Albanya.
Sa pagpapaunlak sa hinihinging tulong ng Krotona, nakipagdigma si Florante laban sa heneral ng Persiya na si Osmalik. Tumagal ang tunggali ng may limang oras. Nagtagumpay si Florante sa pagpatay kay Heneral Osmalik. Namalagi sa Croton si Florante ng limang buwan bago nagbalik sa Albanya para makita si Laura. Nang magbalik na nga sa Albanya, nagulat si Florante nang mapagmasdan ang watawat ng Persiya na nagwawagayway sa kaharian, ngunit muli namang nagapi ni Florante ang mga kalabang Persa (Persian). Nailigtas ni Florante sina Duke Briseo, Adolfo, Haring Linceo at Laura mula sa mga kamay ni Emir. Muntikan nang mapatay ni Emir si Laura. Itinalagang “Tagapagtanggol ng Albanya” si Florante dahil sa kaniyang naipakitang kagitingan at katapangan, isang bagay na lubhang ikinamuhi at ikinaiinggit ni Adolfo.
Muling ipinagtanggol at ipinagsanggalang ni Florante ang kaharian ng Albanya mula sa puwersa ng mga taga- Turkiya. Pinamunuan ni Heneral Miramolin, isang kilalang mananakop, ang mga taga-Turkiya. Naganap ang labanan sa Etolya, kung saan tumanggap si Florante ng isang liham mula sa kaniyang ama. Pinabalik si Florante sa Albanya, kung kaya’t naiwan sa pangangalaga ni Menandro, ang kaibigan ni Florante, ang hukbong pinamumunuan. Nang makauwi sa bayan si Florante, tinugis si Florante ng 30,000 mga kawal na sumusunod sa paguutos ni Adolfo. Nabilanggo si Florante ng may 28 araw. Sa piitan na lamang nalaman ni Florante ang kinahinatnan ng kaniyang ama at hari, na kapwa pinapugutan ng ulo ni Adolfo. Ipinadala si Florante sa kagubatan at itinali sa isang puno ng akasya.
Isinalaysay ni Florante ang kaniyang kaugnayan at pag-ibig kay Laura, nilahad rin niya ang pagkainggit sa kaniya ni Adolfo, at maging ang kagustuhan ng huling angkinin ang trono ng Albanya. Dahil sa mga ito, ibig siyang patayin ni Adolfo. Pagkalipas ng ilang panahon ng paglalakbay sa kagubatan, binanggit ni Aladin – na isa palang Persa (Persian) – ang katotohanan na katulad rin ng kay Florante ang kaniyang kapalaran. Pinagbintangan si Aladin ng sariling ama, si Sultan Ali-Adab, ni iniwan ni Aladin ang kaniyang mga alagad na naging sanhi ng pagkagapi mula sa kanilang kaaway. Inibig ni Ali-Adab na papugutan ng ulo si Aladin. Ngunit dahil sa pag-ibig sa kaniya ni Flerida, hiniling ng huli sa hari na huwag nang pugutan ng ulo si Aladin, sa halip ay palayasin na lamang mula sa kaharian. Bilang kapalit, pumayag si Flerida na magpakasal sa sultan.
Nagambala ang paglalahad ni Aladin nang makarinig sila ng mga tinig. Isang babae ang nagkukuwento hinggil sa kaniyang pagtakas mula sa isang kaharian at sa kaniya sanang pagpapakasal. Hinahanap ng babae ang kaniyang minamahal na kasintahan, isang paghahanap na tumagal ng may anim na taon. Sinabi pa nito na habang nasa loob ng kagubatan, nakarinig siya ng mga iyak ng paghingi ng tulong. Nang matagpuan niya ang isang babae na inaalipusta ng isang lalaking ibig gumasa dito, ginamit ng naglalahad na babae ang kaniyang pana para paslangin ang lumalabag sa puring lalaki. Nagpakilala ang babae bilang si Flerida.
Si Laura ang babaeng sinagip ni Flerida. Nagumpisa siyang maglahad ng kaniyang kuwento. Nang malayo sa piling niya ang kaniyang kasintahan, naging kaayaaya at bantog si Konde Adolfo sa mga mamamayan ng Albanya, kahit na pulos kasinungalingan naman ang ginagawa nito. Nagtagumpay si Adolfo na sirain ang hari sa mga mata ng mamamayan. Naangkin at naupo sa trono ng Albanya si Adolfo, kung kaya’t napilitang maging reyna nito si Laura. Isang hukbo na nasa ilalim ng pamumuno ni Menandro, ang kaibigan mula sa pagkabata ni Florante, ang naging dahilan ng pagkalupig ni Adolfo. Tumakas si Adolfo na tangay si Laura bihag, patungo sa kagubatan.
Matapos ang paglalahad ni Laura, nagsibalik sina Florante at Aladin sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Nagbalik si Florante at Laura sa Albanya, kung saan naging hari at reyna sila. Nagbalik naman sina Aladin at Flerida sa Persiya, kung saan naging sultan si Aladin sapagkat namatay na ang kaniyang ama. Namuhay ng mapayapa at matiwasay ang dalawang kaharian.
Mga tauhan
- Florante - tagapagtanggol ng Albanya at isang mabuting anak ni Duke Briseo
- Laura - anak na babae ni Haring Linseo ng Albanya; iniibig ni Florante
- Aladdin / Aladin - anak ni Sultan Ali-Adab ng Persiya, isang moro na nagligtas at tumulong kay Florante
- Flerida - kasintahan ni Aladin na inagaw ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab
- Haring Linseo - hari ng Albanya, ama ni Laura
- Sultan Ali-Adab - sultan ng Persiya, ama ni Aladin
- Prinsesa Floresca - ina ni Florante, prinsesa ng Krotona
- Duke Briseo - ama ni Florante; Kapatid ni Haring Linceo
- Adolfo - kalaban ni Florante, tinawag na mapagbalat-kayo; malaki ang galit kay Florante
- Konde Sileno - ama ni Adolfo
- Menalipo - pinsan ni Florante na nagligtas sa kanya noong siya ay sanggol pa lamang mula sa isang buwitre
- Menandro - matalik na kaibigan ni Florante, pamangkin ni Antenor; nagligtas kay Florante mula kay Adolfo.
- Antenor - guro ni Florante sa Atenas
- Emir - moro/muslim na hindi nagtagumpay sa pagpaslang kay Laura
- Heneral Osmalik - heneral ng Persiya na lumaban sa Crotona
- Heneral Miramolin - heneral ng Turkiya
- Heneral Abu Bakr- Heneral ng Persiya, nagbantay kay Flerida.
Ang akda at mga bayani
Sinasabi na nagdala ng kopya ng Florante at Laura si José Rizal noong kapanahunan ng kaniyang mga paglalakbay sa Europa. Samantalang pinaniniwalaan na sumipi si Apolinario Mabini naman sa kopyang nalimbag noong 1870 o 1853 para malalang ang isang kopya ng Florante at Laura na nasa sarili niyang sulat-kamay. Ginawa ito ni Mabini, habang nasa Guam noong 1901, ayon sa mungkahi ng isang kapitan ng hukbong-katihan ng Estados Unidos. Walang pahintulot na makabalik pa sa Pilipinas si Mabini noong panahong ginawa ito ni Mabini.[5]
May ginawang mga pagbabagong may kaugnayan sa ortograpiya si Mabini sa kaniyang isinagawang kopya, ayon na nga sa mungkahi ni Jose Rizal. Isang kopyang holograpo – isang kopyang kalarawan ng orihinal na nasa sulat kamay ni Mabini – ang ipinagbili sa pamahalaan ng mga kaanak ni Mabini. Unang nalimbag ang 700 kopya ng gawang-kamay na ito ni Mabini noong 1964, sa ilalim ng pamamahala ng The National Heroes Commission ng Pilipinas, bilang parangal kina Francisco Baltasar at Apolinario Mabini. Muling naglimbag ng 1,000 kopya ang komisyon noong 1972.[5]
Mga sanggunian
- ↑ "Korido". Literal na salin ng corrido [isahan], corridos [maramihan].
- ↑ Nagmula ang salitang corridos sa occurridos ng wikang Kastila, happenings sa Ingles, mga pangyayari o kaganapan; ayon kay Quirino, Carlos. Preface for Apolinario Mabini’s Hand-Written Version of Francisco Baltasar’s “Florante at Laura” (Pambungad para sa Kopya ng “Florante at Laura” ni Francisco Baltasar na nasa sulat-kamay ni Apolinario Mabini), nasa wikang Ingles, ang kopya ni Mabini ay isinalin sa Ingles ni Tarrosa Subido (nasa kaliwa ang Tagalog samantalang nasa kanan ang katumbas sa Ingles), National Historical Commission, Bureau of Printing, Manila, 1964 (unang paglilimbag), at Vertex Press, Lungsod ng Quezon, 1972 (pangalawang paglilimbag), may 119 pahina, nasa bukod na mga pahinang v-xx ang pambungad (preface) at paunang-salita ng tagapagsalinwika (translator’s foreword).
- ↑ "Rekolekto". Literal na salin ng Recollect [Ingles], kongregasyon ng mga pari.
- ↑ "Literal na salin ng philologist [Ingles], isang dalubhasa sa pag-aaral ng wika at mga dokumento, philology [Ingles] o pilolohiya [literal na salin din] ang tawag sa larangang ito". The Scribner-Bantam English Dictionary (Ang Talahulugang Ingles ng Scribner-Bantam). 1991.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 Quirino, Carlos. Preface for Apolinario Mabini’s Hand-Written Version of Francisco Baltasar’s “Florante at Laura” (Pambungad para sa Kopya ng “Florante at Laura” ni Francisco Baltasar na nasa sulat-kamay ni Apolinario Mabini), nasa wikang Ingles, ang kopya ni Mabini ay isinalin sa Ingles ni Tarrosa Subido (nasa kaliwa ang Tagalog samantalang nasa kanan ang katumbas sa Ingles), National Historical Commission, Bureau of Printing, Manila, 1964 (unang paglilimbag), at Vertex Press, Lungsod ng Quezon, 1972 (pangalawang paglilimbag), may 119 pahina, nasa bukod na mga pahinang v-xx ang pambungad (preface) at paunang-salita ng tagapagsalinwika (translator’s foreword)
Mga kawing panlabas
- Florante at Laura kopya sa internet mula sa Proyektong Gutenberg. Mayroon din sa ibang anyo
- Baltazar, Francisco. Pinagdaanang Buhay Nina Florante at Laura sa Kahariang Albanya Naka-arkibo 2009-01-23 sa Wayback Machine. (bersiyong Pilipino). Mula sa Filipiniana.net Online Digital Library Naka-arkibo 2008-12-22 sa Wayback Machine., nakuha noong 7 Marso 2008.